8.29.2009

Demokrasya: Ang Sandata ng Taong Makasarili

Ang post na ito ay bilang pagpupugay sana sa Kabayanihan ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino (para sana sa ika-dalawampu't isa ng Agosto).


Mukhang matatawag na nga natin na Buwan ng mga Aquino ang Agosto. Hindi lamang dahil sa ito ang buwan kung kailan pinaslang ang martir na si Ninoy at kung kailan sumakabilang buhay ang kaniyang may bahay na si dating Pangulong Cory kundi dahil itong Agostong ito naglalabasan ang mga pagpapakita ng suporta at ang pag-aapurang pagkilala sa kabayanihan ng yumaong Pangulo.

Ilang araw pa lamang mula ng mailibing ang mga labi ni Tita Cory, ay isa-isa nang naglilitawan ang mga sumasang-ayon na gawin siyang isa sa ating mga Pambansang Bayani dahil (ayon sa kanila ay) ipinamalas niya ang matapat na paninilbi sa bayan bukod pa sa pagpapabagsak sa rehimeng diktaturya sa Pilipinas.

May mga gumagawa ng aksyon ukol dito mula sa Mababang Kapulungan at mayroon din sa Mataas na Kapulungan. Pero bakit hindi na lamang nila hayaan ang NHI o kung ano mang ahensya ng pamahalaan ang gumawa nito?

Sa pananaw ng isang katulad ng sumulat nito, pinapakita lamang nito na masyado nilang itinataas sa pedestal ang mga taong gaya ni Pangulong Cory gayong hindi naman nila nagagampanan ng wasto ang kanilang mga trabaho maging sa pamahalaan man o sa kung saan man.

Ang mas masaklap pa, ang dating ipinaglaban ng mag-asawang Aquino ay nagagamit ngayon ng kung sinu-sinong nasa poder upang lalong palawigin ang kani-kanilang mga hangarin o ambisyon.

Kaya may mga nagsasabing ang nangyari noong 1986 sa EDSA ay hindi Rebolusyon, kundi isang Restorasyon ng mga nasa kapangyarihan na may nais mamalagi sa kapangyarihan.

Sa panahon ngayon, 2009, patuloy pa rin ang ganitong sitwasyon. Ginagamit ang natamong Demokraysa upang pasarapin ang buhay nila at pahirapin pa ang mga naghihirap. Dahil marupok daw ang Saligang Batas, gusto na nila itong palitan upang maging matatag daw. At dahil malaya raw tayong gawin ang ating mga nais, lalo na kung sa ikabubuti ng nakararami, gagawin daw nila ang pagbabago ng Konstitusyon.

Baguhin man nila o hindi ang ating mga batas, may mababago pa ba?


Sa simula pa lamang ay nakakaladkad na ang salitang demokrasya at ang ideyalismo nito (kung meron man) ng mga taong pilit nagtatago, ginagamit at nagpapanggap na taga-sulong nito.

Ano pa nga ba ang magagawa natin? Mukhang tama nga ang dokyu na Long Live The Fearless Man na demokrasya ang sandata ng taong makasarili.

*Ang pamagat ng post na ito ay halaw rin sa nabanggit na Dokyu.

No comments:

Post a Comment